Ito si Derek Prince na may mensahe para sa iyo mula sa Salita ng Diyos.

“Lumilipas ang sanlibutan at ang mga pita nito; ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17)

Nabubuhay tayo sa isang mundong walang katiyakan at patuloy na nagbabago. Walang anumang bagay na nakikita natin ang mananatili magpakailanman. Ang mga ambisyon, pagnanasa, at matitinding hangarin ng mga taong namumuhay ayon sa sanlibutang ito, na nakatuon sa mga bagay na pansamantala at makalaman, ay lilipas din.

May mga puwersang kumikilos sa sanlibutan, mga puwersang espirituwal at materyal na higit na makapangyarihan kaysa sa atin at hindi natin kayang kontrolin. Para lamang tayong isang maliit na bagay na inaanod sa ibabaw ng ilog ng agos nito.

May paraan ba upang makasumpong ng bagay na hindi nagbabago at nagbibigay ng katiyakan? Oo, simple lamang ang sagot. Nasa mga salitang ito ang kasagutan: “Ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”

Sa kahuli-hulihan, ang kalooban ng Diyos ang mananaig. Kapag ang lahat ng iba pang bagay ay bumagsak, naglaho, naging panandalian at walang katiyakan, nabigo tayo, at marahil ay nilinlang pa, may isang bagay na mananatiling matatag at tiyak: ang kalooban ng Diyos.

Ang Diyos ang may kontrol sa lahat; Siya ang Kataas-taasan. Kung iuugnay mo ang iyong sarili sa kalooban ng Diyos at gagawin mong layunin sa buhay ang pagsunod dito, magiging matatag, mananatili, at panatag ka gaya ng Kanyang kalooban.

Magbabago ang mga kalagayan at magbabago ang sanlibutan, ngunit ang kalooban ng Diyos ay mananatiling matatag, hindi magmamaliw at hindi magagapi. Maaari ka ring maging tulad ng Kanyang kalooban kung itatalaga mo ang iyong sarili sa pagsunod dito.