Isaalang-alang ang Diyos

Derek Prince
Published: 1970
Last Updated: 2026 m. lapkritis
Read Time: 2
This teaching is not currently available in Lietuvių.
Gumagawa ka ba ng mga plano para sa hinaharap nang hindi muna kinikilala ang lubos mong pag-asa sa kalooban ng Panginoon? Matutong magpakumbaba sa harap ng Diyos at kilalaning ang buhay mo ay tulad ng singaw na nananatili lamang dahil sa Kanyang biyaya.
“Makinig kayo, kayong nagsasabi, ‘Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o ganoong lungsod, maninirahan doon nang isang taon, magnenegosyo at kikita.’ Ni hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo'y tulad ng singaw na sandaling lumilitaw at pagkatapos ay naglalaho.” (Santiago 4:13-14 NIV)
Hindi ba marami kang kilalang taong nagsasalita nang ganiyan? Buong kumpiyansa silang nagpaplano para sa taong ito o sa susunod: kung saan sila magnenegosyo, mamumuhunan, magbabakasyon, at kung gaano katagal sila mananatili sa bawat lugar. Marami rin ang nagpaplano nang ilang taon bago magretiro, pati kung saan nila gugugulin ang kanilang pagreretiro. Ngunit hindi nila isinasaalang-alang na wala sa kanilang kontrol ang mga bagay na ito.
Sinasabi ng Salita ng Diyos na tayo ay tulad lamang ng singaw na sandaling lumilitaw at pagkatapos ay naglalaho. Napakamangmang naman kung ang singaw ay gagawa ng gayong mga plano! Ano ang dapat gawin? Nagpapatuloy ang talata: “Sa halip, dapat ninyong sabihin, ‘Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay kami at gagawin ang ganito o ganoon.’”
Walang kontrol ang singaw sa direksiyon ng paggalaw nito. Kapag sumikat ang araw, agad itong maglalaho. Kapag umihip ang hangin, tatangayin ito. Nauunawaan mo ba? Lubos kang umaasa sa Diyos sa bawat paghinga at bawat hakbang na iyong ginagawa. Huwag kang magplano nang hindi isinasaalang-alang ang Diyos sa iyong buhay. Huwag kang maging mangmang. Magpakumbaba ka sandali at kilalanin kung ano ka talaga. Ikaw ay tulad lamang ng singaw na sandaling lumilitaw bago maglaho at tangayin ng hangin.
Isaalang-alang ang Diyos sa lahat ng bagay. Gumawa ng mga plano ayon sa Kanyang kalooban, at titiyakin Niyang magtatagumpay ang mga ito.

Nemokamas parsisiuntimas
Šią skaitinį galima atsisiųsti, atsispausdinti ir dalytis asmeniniam ar bažnytiniam naudojimui.
Atsisiųsti PDFKodas: WD-WFTW-005-TGL









