Ito si Derek Prince na may mensahe para sa iyo mula sa Salita mula sa Diyos.

“Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang iyong mga gawain, at magiging matatag ang iyong mga plano.” (Kawikaan 16:3)

Nais mo bang malaman kung magiging maayos ang iyong mga plano at mangyayari ang mga bagay ayon sa iyong pinlano at pinaghandaan? May paraan upang malaman mo ito. Ito ay sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon ng lahat ng iyong gawain – lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong pananagutan.

Lumapit ka sa Panginoon sa panalangin. Sabihin mo, “Panginoon, mayroon akong trabahong dapat gawin at pananagutang dapat gampanan. Mayroon akong bagay na nangangailangan ng aking atensyon. Hindi ako sigurado kung alam ko kung paano ito haharapin o kung paano ito magtatapos. Ngunit, Panginoon, ipinagkakatiwala ko ito sa Iyo. Inilalagay ko ito sa Iyong mga kamay at hinihiling kong Ikaw ang manguna rito. Hindi ako umaasa sa sarili ko o basta nagtitiwala lamang sa sarili kong pagpapasya. Gagawin ko ang aking buong makakaya, Panginoon, ngunit alam kong hindi sapat ang sarili kong kakayahan. Kaya ipinagkakatiwala ko sa Iyo ang aking mga gawain, pananagutan, at lahat ng aking ginagawa.”

Sa orihinal na wikang Hebreo ng Kasulatang iyon, ang salitang “ipagkatiwala” ay nangangahulugang “igulong.” Ibig sabihin, ang iyong mga gawain at pananagutan ay parang mabigat na pasaning pasan mo sa iyong likod, at hindi mo alam kung paano ito aalisin. Alam mo, ang pinakamainam na paraan upang maalis ang mabigat na pasanin sa iyong likod ay ang igulong ito palayo at tuluyan nang ibaba. Iyan mismo ang kahulugan ng salitang iyon.

Ipaalis mo sa iyong sarili ang pasaning iyon at ilagak ito sa paanan ng Panginoon. Hilingin mong Siya ang manguna at humawak nito. At sinasabi Niya na Siya ang bahala rito. Kapag ipinagkatiwala mo sa Kanya ang iyong mga gawain, magiging matatag ang iyong mga plano.

Hindi mo kailangang palaging mag-alala at mag-isip kung magiging maayos ang lahat. Ipagkatiwala mo lamang sa Panginoon ang lahat ng iyong mga gawain.