Ito si Derek Prince, at ang mensahe para sa iyo mula sa Salita ng Diyos.

“Ako'y nahiga at nakatulog; ako'y nagising, sapagkat inaalalayan ako ng Panginoon. Hindi ako matatakot sa sampung libong taong nagkampo laban sa akin sa palibot.” (Awit 3:5–6)

May lunas sa kawalan ng tulog. Ilan kaya sa inyo ang nakaaalam kung ano talaga ang pakiramdam ng magkaroon ng katiyakang makatulog nang payapa, mahimbing, at nakapagpapanumbalik ng lakas gabi-gabi? Sino ang makabibilang sa milyun-milyong tao sa ating makabagong lipunan na pinahihirapan ng kawalan ng tulog o insomnia?

Ngunit may isang lalaki na nakasumpong ng lunas: “Ako'y mahihiga at matutulog. Ako'y muling magigising sapagkat inaalalayan ako ng Panginoon.

”Maaaring iniisip mo na hindi niya naranasan ang mga matitinding pagsubok at bigat ng mga suliraning pinagdaraanan mo. Maaaring iniisip mong wala siyang mga alalahanin at problemang kinakaharap. Ngunit lubha kang nagkakamali. Malamang na marami siyang kaaway, mas mabibigat na pasanin, at mas maraming panganib na kinaharap kaysa sa naranasan mo sa buong buhay mo. Ngunit natuklasan niya ang lihim.

“Mahihiga ako at matutulog. Muli akong magigising. Hindi ako matatakot.” Bakit? “Sapagkat inaalalayan ako ng Panginoon.

Gabi-gabi, ipinagkakatiwala ni David ang kanyang sarili sa Panginoon. Nahihiga siya nang may lubos na pagtitiwala sa Kanya. Alam niyang ligtas ang kanyang kaluluwa sa pangangalaga ng Panginoon. Nakakatulog siya at nagigising nang walang pagkabalisa, walang takot, at walang matinding paghihirap dahil sa kawalan ng tulog.

Kung pinahihirapan ka ng matinding suliranin ng insomnia, alalahanin mo ang mga salita ni David at isabuhay ang mga ito.