Ito si Derek Prince na may mensahe para sa iyo mula sa Salita ng Diyos

“Sa Iyo, O Diyos, nararapat ang papuri sa Sion; sa Iyo tutuparin ang aming mga panata. O Ikaw na dumirinig ng panalangin, sa Iyo lalapit ang lahat ng tao. Nang kami ay madaig ng aming mga kasalanan, pinatawad Mo ang aming mga pagsalangsang.” (Mga Awit 65:1–3, NIV)

Madalas mangyari na sa isang sesyon ng pagpapayo sa isang taong may mabigat na pinagdaraanan, may problema man sa pagsasama ng mag-asawa, pinansiyal na suliranin, o iba pang uri ng problema, kailangan kong sabihin sa kanya nang buong katapatan: “Wala akong sagot sa iyong problema. Hindi ko masabi sa iyo kung ano mismo ang dapat mong gawin. Ngunit may isang bagay akong masasabi sa iyo: dinirinig at sinasagot ng Diyos ang panalangin.”

Iyan ang sinasabi ng mang-aawit ng mga salmo: “O Ikaw na dumirinig ng panalangin, sa Iyo lalapit ang lahat ng tao.” Sa huli, kailangan ng bawat isa ang Diyos. Kailangan ng lahat na malaman na dinirinig at sinasagot ng Diyos ang panalangin. Ang katotohanang ito ang siyang maglalapit sa buong sangkatauhan sa Diyos.

May isang natatanging panalangin na higit sa lahat ay kinalulugdan Niyang sagutin: ang panalangin para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Kapag nagkasala tayo at nabigo sa harap ng Diyos at ng ating kapwa, hindi natin kailangang talikuran ang Diyos dahil sa kawalan ng pag-asa. Sa halip, maaari tayong manumbalik sa Kanya at humingi ng kapatawaran. Pagkatapos, masasabi rin natin ang sinabi ng mang-aawit ng mga salmo: “Nang kami ay madaig ng aming mga kasalanan, pinatawad Mo ang aming mga pagsalangsang.”

Huwag mong hayaang hadlangan ka ng takot, pagkakasala, o kawalan ng pag-asa sa pananalangin. Tandaan mo, kahit sa gitna ng matinding paghihirap, dinirinig at sinasagot ng Diyos ang iyong panalangin.